Mga netizens, nag-ambagan para sa utang ng dating Miss Q&A Winner Juliana Segovia!

 


Nag-viral ang post ni Juliana sa Facebook nitong nakaraang Huwebes, March 24, 2022, kung saan kinastigo niya ang isang dating kaibigan na napagkuwentuhan niya ng kanyang utang.

Mukhang mareresolba na ni Miss Q&A 2018 winner Juliana Parizcova Segovia ang kanyang PHP300K pagkakautang dahil sa tulong ng maraming netizens.


Ipinost kasi ng dating kaibigan ang screenshot ng kanilang lumang conversation sa Facebook messenger, kung saan inisa-isa ni Juliana ang kanyang pinagkakautangan noong kasagsagan ng pandemya.

Bahagi ng pahayag ni Juliana sa Facebook noong March 24: “Lahat naman ay apektado noong kasagsagan ng pandemya lalo na pagdating sa pinansiyal na usapin."

Pero hindi raw niya ikinahihiyang siya ay nagkautang-utang na umabot sa PHP300K.

“Hindi ko po ikinahihiya na simula noong pandemic, ang akin pong pamilya ay nabaon sa utang dahil sa kawalan ng pinagkukuhanan ng panggastos bunga ng kawalan ng trabaho; kasabay po nito ay hindi ko rin masingil ang mga taong nagkakautang din sa akin dahil pare-parehas po tayo ng pinagdadaanan

“Ikinahihiya ko po ba ang yugto ng buhay kong ito? Hindi po. Alam kong halos lahat, kundi man lahat ay tunay na pinadapa ng pandemya.”

Pero ang pinaka-iniinda ni Juliana ay maging ang ina niya ay nadawit kaya galit na galit si Juliana.

Himutok niya, “Gayunpaman, kalabisan na siguro na hindi man lamang binura ang pangalan ng aking ina at kanyang personal na numero ng telepono; at ngayon ay hindi pinatatahimik ng mga kaugali ng nagpost laban sa akin; hindi lamang traydor kundi walang modong piniling ipaalipusta ang malungkot na bahagi ng buhay ng isang tao at lapastanganin ang kanyang ina; para lamang makaganti, dahil hindi kayang tapatan ng content ang content ng kaibigang minsang naging mabuting tao sa kanila at nagkataon lamang na magkaiba ang pulitikal na desisyon.

"Ako po ay Nagtatrabaho, ako po ay Pilipino, may Kalayaan at Karapatan at hindi kayang sirain ng mga hakbang ng mga taong matagal nang sinira ang kanilang saarili, sa ngalan ng inggit, galit at kawalan ng batong maipukol sa gusto nilang masaktan.”


Ang mahalaga ay hindi niya tinatakbuhan ang utang.

Binanggit rin niyang ang kanyang ipinambabayad ay hindi galing sa kanyang mga election-related activities kung saan hayagan niyang ipinapakita ang suporta sa kandidatura nina Ferdinand Bong Marcos Jr. at Sara Duterte ng UniTeam Alliance.

Ang statement ni Juliana ay nabasa ng writer na si Krizette Laureta Chu, na siyang nagsimula ng fund-raising activity sa Facebook post nito kahapon, March 25.

Makalipas ang halos tatlong oras, nakalikom na si Juliana ng PHP187K sa GCash at PHP50K sa kanyang bank account.

Ngayong araw, March 26, lagpas na sa PHP300K ang naipong tulong ni Juliana mula sa netizens.

Ayon kay Juliana, nakalikom na siya sa GCash ng PHP248K at sa kanyang bank account naman ay may pumasok ditong PHP67K.


Lagpas na ito sa utang niya na PHP300K.

Bahagi ng mensahe niya sa nagpasimuno ng ambagan: “Sobrang salamat po talaga sa inyong lahat… kung dumating man ang araw na ako naman ang may kapasidad na makatulong asahan po ninyo na ibabalik ko ang kabutihang ginawa ninyo sa akin.”

Powered by Blogger.